BERNADETTE SOLINA WOLF
February 27, 1959 - October 21, 2022
Bilang isang ilustrador o visual artist, mas mainam sa atin na magsentro na lang sa paglikha. 
Ngunit ang artist ay:

1. Puwedeng maging bahagi ng mga mahalagang gawain bukod sa pagdrawing, pagpinta, o pagguhit para sa mga aklat pambata.
2. Ang artist ay puwede ring maging organisado at masinop sa mga layunin at gawain.
3. Ang artist ay puwedeng humarap sa mga tao para magampanan ang mga naatasang gawin bilang isang creative individual, o bilang isang namumuno o kinatawan ng isang grupo.
4. Ang artist ay puwedeng maging gabay sa mga mas nakababata sa kanya para maibahagi ang mga kaalaman at karanasan sa ginagalawang mundo ng sining.
5. Ang artist, kahit may sariling limitasyon sa paggamit ng teknolohiya, ay puwede ring humarap sa mabilis na daloy nito, sa pamamagitan ng patuloy na paglikha ng mga piyesa na hindi kinakailangang maging sobrang nakatali sa teknolohiya. Habang patuloy ang pagiging bahagi sa sining ng pabago-bagong mga pamamaraan sa teknolohiya, ang artist ay puwede pa ring manatili sa mga likhang kamay, payabungin ito, at maghanap ng mga alternatibong medium o pamamaraan na maaaring hindi binibigyang pansin o binabalewala lang natin. Habang patuloy sa tradisyonal na paglikha, puwede pa ring maging observer na bukas ang mata at pag-iisip sa mga benepisyo at kainaman ng teknolohiya bilang isang creative tool.
6. Ang artist, kahit lubos na ang kaalaman at karanasan sa paglikha ay maari pa ring makinig, manood at matuto sa mas nakababatang artist. Kahit nauna pa siya sa ating lahat, puwede pa rin niyang bigkasin ang mga tanong na, “Paano ba ito?” o kaya’y, “Ano pa ba ang ibang mainam na paraan para gawin ito?”
7. Ang artist ay puwede ring kumatok sa iyong harapan upang maglabas ng saloobin, at humingi ng ilang minutong pakikinig para man lang maihinga niya ang mga bagaheng kinakarga sa kasalukuyan.
8. Ang artist ay puwede pa ring humalakhak at maging “silly” o “carefree” paminsan-minsan habang humaharap sa mga deadline ng proyekto o deadline ng mga responsibilidad sa buhay.
Yan ang mga nakita ko kay Bernie Solina-Wolf, ang ilustrador, ang artist.
Bago pa man nabuo ang Ilustrador ng Kabataan, marami nang nakapangalan na aklat pambata kay Bernie, tulad nina Beth Parrocha, Robert Alejandro, at Joanne de Leon. Habang gumuguhit ng aklat pambata si Bernie, aktibo na rin siya ng mga gawain para sa teatro, edukasyon at pagpapahalaga sa ating kultura.
Naging pursigido si Bernie sa pagsulat ng mga by-laws at gabay sa mga layunin ng INK. Dumaan ang unang taon ng INK at patuloy pa rin sa Bernie sa masinop na pag-iisip at pagsusulat ng mga maaring makatulong sa maayos ng paggalaw ng grupo.
Noong nag-uumpisa pa lang ang INK, humarap si Bernie sa mga indibidwal, grupo at institusyon, at malaki ang naitulong nito para magkaroon ng mabuting ugnayan ang INK sa mga gumagalaw sa mundo ng sining. Dahil sa mabuting ugnayan ni Bernie sa mga kompanya o institusyong ito, naipagpatuloy ang mabuting ugnayang ito sa INK.
Bukod sa aspeto ng pagguhit at pagsusulat, gabay rin siya ng mga nakababata sa aspeto ng pag-organisa. Gabay rin siya sa pagpapanatili ng magaan na pamamalakad sa grupo kasabay ng mga pagsubok dito.
Tanggap ni Bernie ang limitasyon niya sa paggamit ng teknolohiya. Sa gitna ng limitasyong ito, buong loob pa rin niyang pinagpatuloy ang kanyang mga likhang kamay. Ang pruweba nito ay ang mga natatanging likha niya sa mga bao ng niyog. Natatangi ang kanyang estilo sa isang natatanging materyal. Dito lumitaw ang natatanging pagmamahal niya sa kulturang Pilipino. Dito rin lumitaw ang isang natatanging likha na hindi mapapantayan ng kahit anong teknolohiyang pamamaraan. Si Bernie ang isang pagpapatunay ng linyang, “Out of your limitations can bloom excellent creative executions”.
Nang dumaan ang panahon at naging “tanders” na ang mga founders ng INK, hindi na kami madalas magkaroon ng komunikasyon ni Bernie. Pero sa mga mumunting pagkakataon ng aming pag-uusap, hindi siya nangiming magtanong ng “Paano ba ito gawin?”, o “Ano kaya ang mabuting paraan para dito?” 
HIndi lang ito tungkol sa teknolohiya kundi sa ibang bagay rin. Humility is also a part of an artist’s life.
Mababaw din si Bernie kung minsan. Despite her being organized in doing her personal, family, and creative tasks, she can be silly and carefree at times. Kaya siguro tumagal ang INK, dahil may kababawan pa ring lumilitaw sa mga miyembro. All work and no play, makes an unhealthy, crazy INKie.
So, ano ang mga natutunan ko kay Bernie bilang isang ilustrador? I will just revise my earlier statements. 
1. Ang ilustrador ay DAPAT maging bahagi ng mga mahalagang gawain bukod sa pagguhit para sa mga aklat pambata.
2.  Ang ilustrador ay DAPAT maging organisado at masinop sa mga layunin at gawain.
3. Ang ilustrador ay DAPAT humarap sa mga tao para magampanan ang mga naatasang gawin bilang isang creative individual, isang namumuno o kinatawan ng grupo.
4. Ang ilustrador ay DAPAT maging gabay sa mga mas nakababatang artist para maibahagi ang mga kaalaman at karanasan sa ginagalawang mundo ng sining.
5. Ang ilustrador, kahit may sariling limitasyon sa paggamit ng teknolohiya, ay DAPAT ding humarap sa mabilis na daloy nito. Maaring pag-aralan at subukan mismo ang teknolohiya, o magpatuloy pa rin sa mga likhang kamay kung saan lilitaw ang mga “excellent creative executions from your own limitations”.
6. Ang ilustrador, kahit lubos na ang kaalaman at karanasan sa ginagalawang mundo ng sining ay DAPAT pa ring makinig, manood at matuto mula sa mga mas nakababatang artist.
7. Bilang isang ilustrador o artist, DAPAT mo pa ring bigyan ng pagkakataon ang sarili mo para mapakinggan, para magtanong, o para maihinga ang mga bagaheng kinakarga sa kasalukuyan.
8. Bilang isang ilustrador o artist, DAPAT ka pa ring humalakhak o maging “silly” habang humaharap sa mga deadline ng proyekto o deadline sa responsibilidad sa buhay.
​​​​​​​
Maraming salamat, Bernie. Ito ang mga natutunan ko sa iyo at sa palagay ko, dapat ding maisabuhay ng mga artist sa grupo.
Ikumusta mo ako kina Albert Gamos, Rene Villanueva, at Mang Larry. Siguradong masarap ang kuwentuhan niyo tungkol sa paglikha ng aklat pambata kasama ang ating Pinakadakilang Tagapaglikha.
.................................................
totetdJ

SEE MORE:

Back to Top